Tuesday, June 10, 2008

Sa loob at labas ng bayan kong sawi

Gaya ng mga nobela ni Rizal, tapos na akong mag-aral nang una kong basahin ang Florante at Laura. At gaya rin ng dati, nagsisi ako at hindi ko binigyang-pansin ang akdang ito noong pinag-aaralan namin ito sa mataas na paaralan. Lalong pinatingkad ni Balagtas ang aking diwang makabayan dahil bukod sa patalinghagang pagtalakay sa kasaysayang kolonyal ng Pilipinas, lubos niya ring ipinakita ang yaman ng wikang Tagalog.

Hindi ko naibigan ang paggamit ng Europa bilang lugar ng pangyayari ngunit dapat sigurong pagbigyan si Balagtas dahil umiiwas siyang mausig ng mga Espanol. Maliban sa punang ito, malinaw na sariling bayan ang tinutukoy ni Balagtas sa kanyang pagdaing na "kalihuhan ang siyang nagyayaring hari." Hindi mahirap maghanap ng Konde Adolfo sa panahon ni Balagtas, at masakit mang sabihin, maging sa panahon ngayon. Kabuktutan at katiwalian pa rin ang namamayagpag samantalang ang mahirap ay patuloy na naghihirap, at ang mga masisipag na gumagawa ay patuloy na nagbabayad ng buwis habang ang mga tinurang lingkod ng bayan ay patuloy na nagpapakasasa sa nakaw na yaman.

No comments: