Minsan akong nagsaulo ng tula ni Amado Hernandez para sa isang paligsahan ng sabayang bigkas noong ako ay nag-aaral pa sa mataas na paaralan. Isinagaw namin ang mga kataga, humandusay kami sa lapag, at nagpanggap na nararamdaman ang hirap at dusa ng isang bilanggong inalipin at binusabos. Subalit, gaya ng maaasahan sa mga estudyante sa ganoong edad, kinalimutan namin ang tula at ang makata, pati na ang mensahe ng pakikibaka laban sa pang-aalila. Sinong makasisisi sa mga binata at dalaga kung higit nilang pahahalagahan ang panonood ng sine, pakikipagsuyuan, at pag-ibig higit sa mga usapin ng kalayaan at kahirapan?
Gaya ni Balagtas, pinahanga ako ni Hernandez sa kanyang panulaan. Ipinamalas niyang ang wikang Filipino ay angkop ipanghabi ng mga tulang lipos ng kagandahan, sining, at masidhing damdamin. Nauunawaan kong sa kalagayan nina Balagtas at Hernandez, na kapwa nabilanggo at nakaranas ng pang-aalipusta, kung bakit nila pinapaksa ang pang-aalipin ng mga dayuhan at mga makapangyarihan. Bagaman ang pakikibaka ay isang mahalagang salik ng pagiging Pilipino, panahon na ring talakayin ng mga makata ang mga pagbubukang-liwayway at ang mga tagumpay ng bayan. Ito lang ang tanging paraan upang muling magkaroon ng saysay ang mga tula at makata sa panahon ng mga blog at Youtube.
No comments:
Post a Comment