Isa sa mga kanser ng lipunan na binigyang pansin ni Rizal and suliranin ng kamangmangan at kakulangan ng malayang isipan. Pangunahing sinisi ni Ibarra ang mga prayle na pawang pagnonobena at pagrorosaryo ang itinuro sa mga indio. Subalit ngayong ika-21 siglo, kung saan nabawasan na ang kapangyarihan ng simbahan, kalunos-lunos pa rin ang kalagayan ng edukasyon.
Ikinagugulat, halimbawa, ng mga nagsipagtapos sa Pamantasan ng Pilipinas na ang mga kasama nila sa trabahong nanggaling sa ibang pamantasan ay hindi tulad nilang madaling nakatatanggap ng pagkakaiba ng paniniwala, kasarian, at antas panlipunan. Tunay ngang isang pulo ng malayang kaisipan ang UP sa isang dagat ng mga makikitid ang utak tulad ng kalihim ng Kagawaran ng Katarungan Gonzales.
Subalit bago pa man pag-usapan ang antas ng kolehiyo, dapat munang bigyang-pansin ang mababang paaralan. Bago alalahanin kung may nangakikinig kay Pilosopong Tasyo, isipin muna kung may natutunan ba si Basilio. Isang tanda ng kapantasan ni Rizal na tinalakay niya ang maraming mukha ng suliranin sa edukasyon. Isang tanda ng ating kahinaan bilang bayan na ang mga suliranin noon ay siya ring mga suliranin ngayon.
No comments:
Post a Comment