Mahihinuha sa pamagat ng akda ni Teodoro Agoncillo ang kanyang pagtatangka na ipakitang ang himagsikan ng 1896 bilang pag-aalsa ng mga masa sa halip ng mga ilustradong nanguna sa kilusang Propaganda. Sa kanyang pagtalakay ng buhay ni Andres Bonifacio at ng kasaysayan ng Katipunan, malinaw na ang himagsikan ay nagsimula bunga ng pagkilos ng mahihirap na pawang nakiisa sa Katipunan sa kanilang pagnanais na makatamasa ng liwanag at ginhawa makalipas ang ilang daang taon ng dilim at pagdurusa sa kamay ng mga prayle.
Subalit sa pagsiklab ng rebolusyon, unti-unti na ring nakianib ang mga nabibilang sa principalia. May ilang napilitan dahil isinangkot sila ni Bonifacio ngunit mayroon ding kusang lumaban para sa bayan gaya ni Emilio Aguinaldo na capitan municipal ng Kawit. Mahalaga man ang naging papel ng masa sa Katipunan, mahirap ilarawan ang mismong himagsikan bilang pag-aalsa lamang ng masa. Anuman ang nagbunsod sa matataas na uri na makilahok, kapwa sila naging bahagi ng rebolusyon gaya ng masa.
Sa bandang huli, ang pagkakaiba ng pananaw ng masa at ng mayayaman ay naging sanhi ng pagkasawi ni Bonifacio at ng pagkakahati ng mga Pilipino. Ang kawalan ng pagkakaisa, ang alitan sa pagitan ng mga uri ay mga suliraning patuloy nating hinaharap. Mahigit isang daang taon na ang lumipas mula ng sumigaw si Bonifacio sa Balintawak at natamo na ng Pilipinas ang soberanya subalit patuloy ang paghahangad ng bayan sa ganap na kalayaan.
No comments:
Post a Comment