Binasa ko ang Filibusterismo ni Rizal noong nakaraang buwan. Sa totoo lang, ngayon ko lang talagang nabasa ang aklat sapagkat hindi ko masyadong pinahalagahan si Rizal noong ako ay nasa mataas na paaralan. Subalit nang banggitin ni Propesor Benedict Anderson na makasampung ulit niyang binasa ang mga akda ni Rizal at nag-aral pa siya ng Espanol para lamang mabasa ang mga iyon sa orihinal, napahiya ako bilang mag-aaral ng UP na hindi ko pa nababasa ang mga sinulat ng pambansang bayani.
Tunay ngang higit na tinutukan ni Rizal ang pulitika sa kanyang ikalawang aklat. Higit na hayagan ang kanyang pagtuligsa sa mga kabuktutan ng pamahalaan at simbahan. Nakasusuklam, halimbawa, ang sinapit ni Huli sa kamay ni Padre Camorra. Mahirap ding hindi maantig sa pagkakabaril ni Tano sa kanyang sariling dugo. Kung ako ay isang Espanol na nabuhay noong inilathala ang Filibusterismo, malamang ay pinabaril ko na rin Rizal dahil sa pangambang ang kanyang mga ideya ay tunay na magbubunsod ng isang paghihimagsik.
Matapos basahin ang Noli at Fili at mamasdan kung papaanong ipinagtatanggol ni Rizal sa pamamamagitan ng kanyang mga tauhan kapwa ang pag-aalsa at ang kahinahunan, masasabi kong si Rizal ay sadyang hindi makakahon sa mga katagang repormista o rebolusyonaryo. Talagang kahanga-hanga ang lalim at lawak ng kanyang pag-iisip. Sa ganang akin, hindi matatawaran ang kadakilaan ni Rizal at walang kuwenta ang pagtatalo sa kung siya ay nagbalik-loob sa simbahan o hindi. Ang kabuuan ng isang buhay ay hindi natitimbang ng isang pangyayari.
No comments:
Post a Comment